Saturday, April 5, 2008

kentkrayhardenap

Umuulan na naman. Gaya ng dati takot ka pa ding lumabas ng bahay kapag mga ganitong panahon na mukhang magkakasakit ka pag tinangka mong lumabas at mabasa. Natatakot (may kasamang kaba). Late ka na nagising na suppose to be kanina ka pang alas siyete sapagkat plinano mo kahapon na magtse-tsek ka ng mga test papers ng mga studyante mo, na last week ka pa kinukulit kung anong resulta ng eksam nila. Pinasadahan mo ang orasan ala una na pala. Nagkibit balikat ka lang sabi mo mamaya na. Nagtimpla ka ng kape, gaya pa rin ng dati walang coffee mate at kaunti lang ang asukal. After ten minutes nagmunimuni ka na naman. Thankful ka pa rin pala sa mga nangyari, liban sa may dalawa kang trabaho ni hinagap di ka pa naman nagigipit. Productive ka pa naman. Nabibili mo pa rin ang paborito mong grande caramel frappe sa starbucks at fulfilled sa career growth na nangyayari. Flabbergasted sa nagaganap pakiramdam mo, meron pa ring mali.Hindi ka masaya (walang duda). Things fall apart, nawawala ka na naman. Ilang beses ba na sinabi sayo ng mga kaibigan mo na magmove-on ka na. Na happy sila sa nangyayari sayo, na you're earning bigger than what you earned before. Na maraming tao ang walang trabaho. Na ang lahat ay para sa world peace. Di ka pa rin nakikinig (kumpirmado). Ngayon naisip mo na ang tenses ng buhay really differs not on the way you enunciate things but how things are enunciated with proper diction. Na may mga tamang salita sa lahat ng bagay. Na may tamang panahon. Na meron talagang nag-eexist na world peace. Naubos mo na ang kape inaantok ka pa rin, umuulan pa rin sa labas. Natawa ka . Naalala mo bigla na marahil tama ang estudyante mo, na ang pinakamahirap raw ibenta sa lahat ay ang sarili mong kidney. Marahil. Ewan. Sir what if you'll be given a chance to be invisible for one day where would you spend that single day? Natawa ka, alam mo kasi kung saan. Too much for personal questions class bring out your readings we'll discuss proper usage of prepositions. Sir one last question. Yes? Patlang. Fragmented ka pa rin sa pagkukwento dahil simpleng mga tanong ginagawa mong kumplikado. Hay magiging ok ka rin.

ang pinakamasarap na tinapay sa balat ng lupa

Unti-unti nang hinahawi ni Martina ang kurtina ng kanyang kwarto, umaga na pala. Siguro mag aalasais na dahil nakatapat na mismo ang araw sa sampaguita na itinanim nya sa harap ng kanyang bintana. Mag-aatubili na sana syang kumilos sapagkat masyado na itong late sa mga nakagawian nyang gising na alas tres ng madaling araw para magsimulang magmasa ng pandesal para sa kanyang mga kapitbahay.

Ewan, hindi nya rin mawari tila tinatamad sya ngayong araw. Hay, parang kelan lang. Naaalala nya pa ang unti-unting pagbagsak ng kanyang mga kakumpetensiyang mga tindahan, sa kung paano nalugi ang Goldilocks at mga nagsulputang mga panaderya sa kanilang bayan. Napangiti sya sa sarili. Di hamak sya na nga ang pinakamagaling na panadera sa buong mundo.

Parang kelan lang din halos di sya magkandaugaga sa kung paano ang tamang pananaliksik ang kanyang gagawin upang matuklasan ang tamang pormula upang maisagawa nag pinakamasarap na tinapay sa balat ng lupa.

Parang kelan lang din na halos magpakamatay ang iilan para sa ensaymada, pan de leche, puding, mamon, biskotso at iba pa. Tama ang naunang teorya ni Martina; madaling magbago ang taste ng tao!

Kaya dumating din ang panahon na napakaraming bakery ang kung anu-anong mga naiimbento sa paggawa ng tinapay. At sa panahong yun nakadama ng napakahigpit na kakumpetensiya si Martina, yun din siguro marahil ang time na muntikan nang magsara ang kanyang panaderya. Wala naman syang nagawang mali, pakiramdam pa nga nya yaon na ang pinakamasarap na tinapay na kanyang naimbento, ang pan de monggo na ang palaman ay bagoong. Wala syang nagawa dahil isang araw pagkatapos nyang i-launch ang naturang specialty maraming tao ang nagrally hindi raw makatarungan ang aktong ito, sapagkat hindi raw pwedeng alisin ang monggo sa pan de monggo at palitan ng bagoong.

At dahil dito tama muli ang kanyang pangalawang teorya, naniniwala pa rin ang tao sa i love you forever!

Napansin din nya na lubhang napakalaki ng parte ng tinapay sa buhay ng tao, ngunit hindi nya rin akalain na dumating din sa punto na ang kanyang pagiging panadera ay muntikan nang maging sanhi ng kanyang pagkamatay.

Naisipan nya kasing gumawa ng bra na gawa sa harina at iba pang undergarments na gawa din sa tinapay. Dahil dito idenemanda sya ng ng Bench at So-en sa di-umanoy pambababoy na panggagaya ng mga style ng mga naturang kumpanya sa mga tinapay na kanyang ibenebenta. Liban pa rito nagreklamo din ang mga nakagamit dahil maliban sa madaling malawlaw ang mga naturang disenyo ay madali pa itong kapitan ng pawis na naging sanhi ng pagkapanis ng mga underwear na tinapay.

Wala siyang nagawa dahil minsan binaril sya gamit ang shotgun ng isang kostumer nang malaman nito na hindi pala pwedeng kainin ang mga naisuot nang mga panting tinapay at bra. Mabuti na lamang na bumaon sa bulletproof vest na tinapay ang bala. Tinangkilik ng mga sundalo at pulis ang kagilagilalas na imbensyong ito ni Martina. Maliban sa mura na, nakakain pa.

At dahil dito muli, tumpak ang kanyang pangatlong teorya, naniniwala pa rin ang mga tao sa kaululan.

Kaya naman ngayong umaga magluluto sya ng pinakamasarap na tinapay, yung tinapay na kahit alas dose ng tanghali ipagpapalit mo sa Crispy pata na may toyo, suka at siling sawsawan. Yung tinapay na hindi mo makakalimutan pag natikman. Yung tinapay na hindi ka na makakapagsalita pagkatapos mong matikman.

Nakahanda na ang lahat. Ang harina sakto lang ang dami, kasya sa buong baranggay, nakangiti sya ng maluwag tiyak na matutuwa ang kanyang mga kababayan nito na kanina pa nag-aatay sa pagbubukas ng kanyang panaderya. Na mas lalo marahil na matutuwa sapagakat ngayong araw libre ang tinapay ni Martina para sa lahat. Hindi sya gumagamit ng food coloring dahil balita nya nakakanser daw yaon. At mas lalong walang bromate at baking powder sapagkat hindi nya kayang lokohin ang mga tao sa laki na hangin lang din pala ang laman. Never.

Masa. Masa. Masa. Left.Right.Left.Right.Center.Press. Again. Twenty times. Konting asin. Konting butter. May kinuha sya sa ilalim ng mesa, ito marahil ang secret ingredient na kanyang gagamitin. Nakalagay sa plastic na bote na kulay green. Inamoy nya ito ng dalawang beses, hindi pa rin pala nagbabago ang amoy nito kahit kelan. Unti-unti nyang inihalo sa hinuhulmang tinapay. Hindi pa sya nakuntento mga limang bote siguro ang kanyang naubos.

Pumalakpak pa siya pagkatapos.

Ilang oras ang nakalipas.

Dinumog ng mga tao ang libreng tinapay sa kanyang panaderya, yung iba kumuha ng sampu at yung iba ibabaon raw at ipamimigay sa mga kaibigan at kaopisina. Nakangiti pa rin si Martina.

Salamat. salamat. Salamat.

Ilang sandali lamang simot na ang lahat. Unti-unti nya na ring isinasara ang kanayang tindahan. Magpapahinga na sya habang nakangiti na nakaharap sa bintana. Bumalaik sya saglit sa kusina, hindi na sya nagulat nang makitang nakalupasay na ang alagang pusa habang nasa bibig nito ang isa sa mga naluto nyang tinapay.

At sa di-kalayuang parte ng lababo muli nyang sinipat ang mga boteng plastik na ginamit sa pagluluto. Muli siyang napangiti. Matagal.

Epektib pa rin talaga ang baygon!!!

asmatik

nagbago na ang panahon. bawal na raw uminom ng solmux ang may ubo at bawal na rin kumain ang gutom. nakahanda na raw ang lahat ng tao para mamatay dahil nalaman nilang para saan lang rin ang lahat kundi para sa kamatayan.

nakahanda na ang lahat para sa isang mass suicide, kampante ang lahat ng dadalo na magiging isang ultimum breakthrough ito ng henerasyon sapagkat wala pang nakakasubok na gawin ang ganitong akto na kung saan sabaysabay na iinom ng kloroks ang mga tao habang pinapatugtog ang mga kanta ng pussycat dolls. kabilang sa mga dumalo ang mga walang pambayad sa mga utang, nadepress at mga naghihingalong puso dahil sa sobrang pagmamahal. kasama din sa dumalo ang pangulo ng pilipinas na nung una ay ikinagulat pa ito ng nakakarami subalit naintindihan naman ng lahat ang dahilan dahil nagkaroon ito ng pagkakataon upang makapagpaliwanag. hindi matanggap ng pangulo na pwede na palang kainin ang lupa at sa dahilang sya ang huling nakaalam ng balita napagdesisyunan nyang sumama sa okasyon. may mga madre at pari ring dumalo. napagkasunduan na ang kulay na susuotin ng mga participants ay pink na t-shirt at sa gitnang bahagi nito nakasulat ang i love my self at i love you. Eksaktong alas dose ng hating gabi isasagawa ang sabay sabay na laklakan, sa katunayan hindi rin halos alam kung pano nakapag mass produce ang zonrox sa dami ng demand, may mga bumili ng isang litro at isang galon depende sa flavor at gusto nito. may grapes, ube, orange, at ang bagong promo nitong virgin coconut oil flavor na kapag bumili ka ng dalawang litro ay may libre kang isa.

kasama si karl sa mga tampok na panauhin sa nasabing pagtitipon. simple lang din ang dahilan ng kanyang pagdalo, iniwan ng boypren, hindi nakayanan. umiyak ng umiyak. nadehydrate, pumayat at hindi na alam kung ano ang gagawin dahil hindi na nya kayang sundan ang tibok ng kanyang puso. mahal nya pa rin ang kanyang boypren na si martin. at ang masakit hindi na sya ang mahal nito kundi ang bespren nyang si kent na dati nyang crush. bumili sya ng dalawang litro, isa kasi sya sa mga speaker at founder ng naturang okasyon mauuna syang iinom limang minuto bago sumapit ang alas-dose.

nagsimula ng magkantahan ang lahat, feel na feel ng mga dumalo ang stik wit u, bigay todo din sila sa pagsayaw at pagtaas-taas ng bote ng zonrox na ngayon ay kulay pink na rin.

simple lang din ang kwentong ito.

dahil limang minuto bago sumapit ang alas-dose umakyat si karl sa entablado kinuha ang bote ng zonrox ininom bumula ang bibig pero bago nalagutan ng hininga nasabi nyang mahal nya pa rin ang kanyang nobyo.

nagpalak-pakan ang lahat. yehey. horey.

alas dose eksakto animoy disyerto ang ang isang siyudad sa antipolo, walang tao.

wala ng tao.

*sa lahat ng may ubo ang puso. para pa rin kay darkness.

ang pinakamsarap na noodles sa buong mundo

Masarap.
Masarap gunitain ang mga salasalabid na kwento
sa likod ng mga dahilan at karanasan. Subalit
mahirap pala. Mahirap palang mag-isip ng isusulat
na bahagi ng alaala kung marami kang
kinatatakutan.

Hindi.
Hindi ito tungkol sa nalalapit na Holloween o kung
ano pa mang tungkol sa mga aswang. Ewan, pero
pakiramdam ko nitong nagdaang semester
nagbago ang ikot ng pagkakataon para sa akin--
pakiramdam ko napakahelpless ko sa mga
pangyayari. Yung tipong marami kang balak o
gustong mangyari subalit hindi pupuwede dahil
masama o bawal. Tapos tinangka o sibukan mo pa
ring gawin-- tapos yun, mali ka na. Wala ka nang
babalikan. Patlang. Nakagawa ka na ng krimen
para sa iilan. Sa iilan na wala na ring halos
ipinagkaiba sa lahat. Sa lahat.

Parang.
Parang napakabigat mag-isip kung marami ka nga
namang bagabag sa dibdib. Hindi. Hindi lang ito
tungkol sa lovelife at sa mga pagkakataong gusto
mo na ulit magpatuloy. Manapa'y kwento ito na
muli mong sisimulan at sisimulang muli para sa
panibagong pagpapatuloy.

Hay. Buntonghininga. Marami na naman akong
naaalala.

Naubusan kami minsan ng kakainin sa
bordinghaws. Normal lang yun. tapos naisipan
namin ni Sarah na isoli yung mga bote ng Coke
para yung deposit sapat makabili ng dalawang
Lucky Me chicken flavor tsaka itlog. Nakangiti na
naman kami habang nagluluto. Pumalakpak pa
kami ng isasalin na sa mangkok yung noodles.
Tapos may paihip-ihip pa sa usok. At makailang
beses ding inamoy-amoy ang niluto. Kagya't
pumasok muna ako sa kwarto at tiningnan kung
anong oras na. 1:45 na pala ng hapon. Pagbalik
ko, nakangiti pa rin si Sarah. Sabi, Dyulyos
matitikman mo ngayon ang pinakamasarap na
noodles sa buong mundo. Hindi ko na napigilang
tumawa. Saglit akong napatigil, mukhang dumami
ata yung noodles!

Sarah, anong dinagdag mo? Ah, nilagyan ko ng
Quacker Oats, Apple Cinnamon yung flavor may
natira pa pala sa kabinet. Napatigil kami ng
matagal. Para kasing may mali. Tumawa na lang
ako bigla. Tumawa rin si Sarah. Malakas labas
ngalangala pati mga luha. Ewan parang hindi ko
alam kung nakakatawa ba talaga yung nangyari sa
noodles o sadyang masakit isipin na hindi kayang
tiisin yung lasa ng kakainin namin. Matamis na
ewan. Maalat na ewan. Ewan.

Napakamot na lang ako sa ulo. Tumatawa pa rin si
Sarah. Tiningnan ko ulit yung pinaghalong Lucky
Me, itlog tsaka yung Quacker Oats Apple
Cinnamon flavor sa mangkok. Matagal. Hanggang
sa tipong pati yung mga pansit nakikitawa na rin
ata. Napabuntonghininga ako. Malalim.
Nagkatinginan kami ni Sarah, tapos
napabungisngis. Tinitigan namin yung noodles,
tapos naghalakhakan..

HAHAHAHAHAHAHaHaHaHaHahahahahhahahaa.

Mamaya na lang natin kainin. Baka mamaya
masarap na yan. Sige. Baka nga. Lumabas na
kami ng kusina. nagising na lang kami
kinaumagahan, simot na ang mga mangkok sa
kusina. May nagpiyesta na naman.

Pakiramdam ko busog na busog ako ng araw na
yun. Ng hangin? Ewan, hindi ko rin alam.



Mali.
Mali kasi hindi naman yan ang gusto kong ikwento.
Subalit ewan, hindi naman ako sentimental na tao
para lagi't laging mamahagi ng mga hinanakit,
gunamgunam at agam-agam sa bawat sitwasyon.
Tama sigurong sabihin na hindi pa ako handa o di
kaya ayaw ko lang talagang sabihin kung ano man
yaon. O mas tumpak na gaya ng sabi ko nung una
natatakot lang ako.

Sa iilan.
Sa iilan na wala na ring ipinagkaiba sa lahat.
Natatakot ako sa lahat ganoon siguro yun.

Mas masarap.
Mas masarap pa rin talaga sigurong makinig sa
mga kwentong wala lang. Mga nagkataon lang.
Tsamba. Sapagkat marahil sa mga tagpong yun
nagkakaroon ng hugpungan para muling balikan
ang mga pagkakataon para hanapin ang ating mga
sarili sa mga alaala. Ang mga magkakaibang tayo.
Bilang noon, ngayon at ang nagpapatuloy.


Hay. Buntonghininga. Marami na naman akong
maaalala. Maaalala.


*para kay Sarah at Diane hanggang sa dulo.
*para kay Angelika padayon!
*mga dati kong kabahay kuya Rod, ate Cat, kuya
Pao, Stan, Erwill, Mama Jaja miss ko na kau.
*kay Eeson para sa lahat.

iskripted

Malayo ang biyaheng Tondo tungong Makati, dahil inlab ka naging mabilis ang byahe dahil habang nasa daan nasa ulap ka habang nakangisi. Sinimulan mong Pagninilaynilayan ang naunsyaming panaginip kaninang alas tres ng hapon, habang iniisip ang mga sasabihin sa mapapalad na kostumer sa telepono.

At dahil excited ka sa trabaho mo ngayong ala una ng madaling araw hanggang alas diyes ng umaga nakalimutan mong mag-lagay ng gel sa buhok. Nagpasalamat ka pa nga sa loob loob mo dahil ganito ang iskedyul ng ganitong trabaho dahil walang trapik. Malakas ang hangin sa labas kaunti lang ang pasahero na halos pumipikit na ang mga mata dahil sa antok, ikaw ngumiti ka ulit dahil kakapaligo mo lang gamit ang Head and Shoulders shampoo at Palmolive conditioner.

Napadaan ang dyip sa may PGH. Lagi mong nakikita na sa mga ganitong oras marami na rin ang lumalabas ng ospital o marami nang nakatambay sa labas upang mag-abang ng masasakyan pauwi. Nagpasalamat ka dahil healthy ka sa kasalukuyan.

Habang nasa loob ng sasakyan nausal mong maganda pala ang boses ng kumakanta sa radyo nakipagtalo ka pa nga kung si John Mayer yung kumakanta o kung si Craig David. Pero sa ikapapanatag ng iyong loob pinilit mo na lang na si John Mayer ang kumanta dahil maliban sa mas kyut sya kay Craig napagdesisyunan mong sya nga talaga dahil magkapareho kayo ng initial letter sa unang pangalan.

Sumenyas ang drayber Vito Cruz na, isang kanto na lang bababa ka na.

Tsinek mo ang mga gamit, ang celphone nasa medyas, ang wallet na sa unahang bulsa ng pantalon. Kinapa mo ang yung heart, tumitibok pa naman. Nasa ayos pa naman ang lahat.

Buendia na.

Your on the way to the 26th floor sa opis mo, dumiretso sa locker nagpabango, inamoy ang sarili. Kinuha ang headset ang mga props, at higit sa lahat ang smile na hindi raw pwede kalimutang iiwan sa bahay sa tuwing papasok sabi nung orientation sa HR.

Then you start speaking English. With a twang. With an attitude.

Pagkalipas ng walong oras bigla kang inantok. Nabilang mong anim na basong kape ka pala ngayong araw. Konsistent ka pa rin. You say good bye na to your office mates. Good job! Good Job! Tomorrow ulit ha! Guys you're doing the right thing! Keep up the Good start!

Start.

Bukas.

Muli.

Malayo ang biyaheng Tondo tungong Makati.

*para kay darkness at sa bukas na maliwanag

Lata at mga Latak: Isla ng mga Pata

Sa ilalim ng tulay ng Abra, makikitang lumulutang ang mga kumpol ng plastik at lata. Kasama pa rito ang mga nagkakapalang mga water lily. Ang mga basura ay patuloy na inanod ng agos patungong dagat at doon magkakahiwalay-hiwalay. Na animo’y mga batang hubo’t hubad na nagtatampisaw sa ulan, na kung saan may alulod, kung saan malakas ang buhos doon magbababad at maghihilamos.

Kasamang nilamon ng malaks na alon ang lata ng mega sardines...Sa takot ng alon na matetano sa kakalawanging bagay, ubod lakas nitong hinampas ang metal hangggang tumilapon at marating nito ang pampang ng karatig isla.

Nagkakaroon ng komosyon. Napapalibutan ngayon ng mga tao? Teka. Mukhang mga hayop. Ahhh, tao na ang kalahati ay baboy. Ito malamang ang mga pata men. Pinalilibutan nila ang isang pata child.

Aba

, yakap nito ang lata ng sardinas!!!

Kulang ang isang daan upang bigyan ng sapat na bilang ang nag-uuunmpukang mga nilalang. Lumuluhod ang mga ito sa may hawak ng lata at itinaas baba ang dalawang kamay. Hinirang nilang sugo ni bathala ang musmos. Binuhat nila ang pata child at pina-upo sa engrandeng silya na may sampung talampakan ang taas. Lalo pang kuminang sa dibdib nito ang lata nang tamaan ng sinag ng araw, upang masilaw at lalong ikinatakot ng mga sumasampalataya.

Titig na titig ang mga mata ng pata men sa bagay na nasa dibdib ng pata child. Oo, ngayon lang sila nakakita ng lata. Ngayon lang dahil padala nga ito ng kanilang bathala. Ito’y signos di-umano na kung sino mang may hawak ng isang di pangkaraniwang bagay ay nangangahulugan lamang na may panibago ng sugo at magliligtas sa kanilang angkan.

Makalipas ang isa, tatlo...limang buwan, unti-unting nagbago ang kulay ng lata, mangitim-ngitim na may halong pula’t kayumanggi. Nabibitak na rin ang ilang parte nito. Napunit at nabulok na rin nang tuluyan ang papel na may nakaguhit na tatak barko na nagsisilbing pabalat nito.

Ikinatakot ng mga nilalang ang mga nangyayaring pagbabago sa lata ng mega sardines. Kaya inakala nilang sumama ang loob ng bathala, kaya naisip rin nilang mag-alay ng buhay bilang kapalit ng mga nagawa nilang pagkakamali at mag kasalanan. Pumila nag lahat habang pinipili ng pata child ang magsasakripisyo ng buhay, at huminto ito sa tapat ng dalawang pata girls. Sila ang napiling magbubuwis ng buhay. Nagpupumiglaas pa ang dalawa subalit ano ba ng sariling lakas laban sa buong pwerssa ng lahat?

Umiiyak at nagmamakaawa ang dalawa, ngunit hindi na ito pinakinggan ng karamihan. Nakalalay sa dalawang pata girls ang kaligtasan ng buong angkan. Nakapalibot ang lahat sa isang napakalaking palayok na nakasalang sa gutom at nagliliyab na apoy. May sumayaw ng makarena at nag-alay ng bayabas pagkatapos ng seremonya. Ginawang salu-salo sa hapunan ng mga pata men ang mga nalutong pata girls. Sinigang.

Lumipas muli ang ilang buwan...tuluyan nang nabulok, dulot ng kalawang ang lata. Nasugatan din ang dibdib ng pata child na naging sanhi upang sya’y magkasakit. Natetano ang pata child at iginupo rin ng karamdaman. Nalungkot at halos mawalan ng pag-asa ang lahat, may nagpakamatay at naisama sa libing ng musmos. At mula sa araw ding yun , lagi nang may naka-antabay sa may dalampasigan, muling mag-aabang ng susunod na signos...

Isa, dalawa...sampung taon at ...nagkakaroon nang komosyon.

Pinalilibutan ngayon ng mga pata men ang isang pata girl.

At nasa makakapal na palad nito ang isang bote ng Ginebra!!!

(:sinulat ko to nung first year- first sem sa klase namin sa kom one. Maraming tumawa kaya popost ko dito para sa mga hindi nakarinig at nakabasa...sa kwentong ito rin nagsimula ang iba pang bersyon at serye ng Lata at mga Latak:)