Saturday, April 5, 2008

ang pinakamasarap na tinapay sa balat ng lupa

Unti-unti nang hinahawi ni Martina ang kurtina ng kanyang kwarto, umaga na pala. Siguro mag aalasais na dahil nakatapat na mismo ang araw sa sampaguita na itinanim nya sa harap ng kanyang bintana. Mag-aatubili na sana syang kumilos sapagkat masyado na itong late sa mga nakagawian nyang gising na alas tres ng madaling araw para magsimulang magmasa ng pandesal para sa kanyang mga kapitbahay.

Ewan, hindi nya rin mawari tila tinatamad sya ngayong araw. Hay, parang kelan lang. Naaalala nya pa ang unti-unting pagbagsak ng kanyang mga kakumpetensiyang mga tindahan, sa kung paano nalugi ang Goldilocks at mga nagsulputang mga panaderya sa kanilang bayan. Napangiti sya sa sarili. Di hamak sya na nga ang pinakamagaling na panadera sa buong mundo.

Parang kelan lang din halos di sya magkandaugaga sa kung paano ang tamang pananaliksik ang kanyang gagawin upang matuklasan ang tamang pormula upang maisagawa nag pinakamasarap na tinapay sa balat ng lupa.

Parang kelan lang din na halos magpakamatay ang iilan para sa ensaymada, pan de leche, puding, mamon, biskotso at iba pa. Tama ang naunang teorya ni Martina; madaling magbago ang taste ng tao!

Kaya dumating din ang panahon na napakaraming bakery ang kung anu-anong mga naiimbento sa paggawa ng tinapay. At sa panahong yun nakadama ng napakahigpit na kakumpetensiya si Martina, yun din siguro marahil ang time na muntikan nang magsara ang kanyang panaderya. Wala naman syang nagawang mali, pakiramdam pa nga nya yaon na ang pinakamasarap na tinapay na kanyang naimbento, ang pan de monggo na ang palaman ay bagoong. Wala syang nagawa dahil isang araw pagkatapos nyang i-launch ang naturang specialty maraming tao ang nagrally hindi raw makatarungan ang aktong ito, sapagkat hindi raw pwedeng alisin ang monggo sa pan de monggo at palitan ng bagoong.

At dahil dito tama muli ang kanyang pangalawang teorya, naniniwala pa rin ang tao sa i love you forever!

Napansin din nya na lubhang napakalaki ng parte ng tinapay sa buhay ng tao, ngunit hindi nya rin akalain na dumating din sa punto na ang kanyang pagiging panadera ay muntikan nang maging sanhi ng kanyang pagkamatay.

Naisipan nya kasing gumawa ng bra na gawa sa harina at iba pang undergarments na gawa din sa tinapay. Dahil dito idenemanda sya ng ng Bench at So-en sa di-umanoy pambababoy na panggagaya ng mga style ng mga naturang kumpanya sa mga tinapay na kanyang ibenebenta. Liban pa rito nagreklamo din ang mga nakagamit dahil maliban sa madaling malawlaw ang mga naturang disenyo ay madali pa itong kapitan ng pawis na naging sanhi ng pagkapanis ng mga underwear na tinapay.

Wala siyang nagawa dahil minsan binaril sya gamit ang shotgun ng isang kostumer nang malaman nito na hindi pala pwedeng kainin ang mga naisuot nang mga panting tinapay at bra. Mabuti na lamang na bumaon sa bulletproof vest na tinapay ang bala. Tinangkilik ng mga sundalo at pulis ang kagilagilalas na imbensyong ito ni Martina. Maliban sa mura na, nakakain pa.

At dahil dito muli, tumpak ang kanyang pangatlong teorya, naniniwala pa rin ang mga tao sa kaululan.

Kaya naman ngayong umaga magluluto sya ng pinakamasarap na tinapay, yung tinapay na kahit alas dose ng tanghali ipagpapalit mo sa Crispy pata na may toyo, suka at siling sawsawan. Yung tinapay na hindi mo makakalimutan pag natikman. Yung tinapay na hindi ka na makakapagsalita pagkatapos mong matikman.

Nakahanda na ang lahat. Ang harina sakto lang ang dami, kasya sa buong baranggay, nakangiti sya ng maluwag tiyak na matutuwa ang kanyang mga kababayan nito na kanina pa nag-aatay sa pagbubukas ng kanyang panaderya. Na mas lalo marahil na matutuwa sapagakat ngayong araw libre ang tinapay ni Martina para sa lahat. Hindi sya gumagamit ng food coloring dahil balita nya nakakanser daw yaon. At mas lalong walang bromate at baking powder sapagkat hindi nya kayang lokohin ang mga tao sa laki na hangin lang din pala ang laman. Never.

Masa. Masa. Masa. Left.Right.Left.Right.Center.Press. Again. Twenty times. Konting asin. Konting butter. May kinuha sya sa ilalim ng mesa, ito marahil ang secret ingredient na kanyang gagamitin. Nakalagay sa plastic na bote na kulay green. Inamoy nya ito ng dalawang beses, hindi pa rin pala nagbabago ang amoy nito kahit kelan. Unti-unti nyang inihalo sa hinuhulmang tinapay. Hindi pa sya nakuntento mga limang bote siguro ang kanyang naubos.

Pumalakpak pa siya pagkatapos.

Ilang oras ang nakalipas.

Dinumog ng mga tao ang libreng tinapay sa kanyang panaderya, yung iba kumuha ng sampu at yung iba ibabaon raw at ipamimigay sa mga kaibigan at kaopisina. Nakangiti pa rin si Martina.

Salamat. salamat. Salamat.

Ilang sandali lamang simot na ang lahat. Unti-unti nya na ring isinasara ang kanayang tindahan. Magpapahinga na sya habang nakangiti na nakaharap sa bintana. Bumalaik sya saglit sa kusina, hindi na sya nagulat nang makitang nakalupasay na ang alagang pusa habang nasa bibig nito ang isa sa mga naluto nyang tinapay.

At sa di-kalayuang parte ng lababo muli nyang sinipat ang mga boteng plastik na ginamit sa pagluluto. Muli siyang napangiti. Matagal.

Epektib pa rin talaga ang baygon!!!

No comments: