Saturday, April 5, 2008

ang pinakamsarap na noodles sa buong mundo

Masarap.
Masarap gunitain ang mga salasalabid na kwento
sa likod ng mga dahilan at karanasan. Subalit
mahirap pala. Mahirap palang mag-isip ng isusulat
na bahagi ng alaala kung marami kang
kinatatakutan.

Hindi.
Hindi ito tungkol sa nalalapit na Holloween o kung
ano pa mang tungkol sa mga aswang. Ewan, pero
pakiramdam ko nitong nagdaang semester
nagbago ang ikot ng pagkakataon para sa akin--
pakiramdam ko napakahelpless ko sa mga
pangyayari. Yung tipong marami kang balak o
gustong mangyari subalit hindi pupuwede dahil
masama o bawal. Tapos tinangka o sibukan mo pa
ring gawin-- tapos yun, mali ka na. Wala ka nang
babalikan. Patlang. Nakagawa ka na ng krimen
para sa iilan. Sa iilan na wala na ring halos
ipinagkaiba sa lahat. Sa lahat.

Parang.
Parang napakabigat mag-isip kung marami ka nga
namang bagabag sa dibdib. Hindi. Hindi lang ito
tungkol sa lovelife at sa mga pagkakataong gusto
mo na ulit magpatuloy. Manapa'y kwento ito na
muli mong sisimulan at sisimulang muli para sa
panibagong pagpapatuloy.

Hay. Buntonghininga. Marami na naman akong
naaalala.

Naubusan kami minsan ng kakainin sa
bordinghaws. Normal lang yun. tapos naisipan
namin ni Sarah na isoli yung mga bote ng Coke
para yung deposit sapat makabili ng dalawang
Lucky Me chicken flavor tsaka itlog. Nakangiti na
naman kami habang nagluluto. Pumalakpak pa
kami ng isasalin na sa mangkok yung noodles.
Tapos may paihip-ihip pa sa usok. At makailang
beses ding inamoy-amoy ang niluto. Kagya't
pumasok muna ako sa kwarto at tiningnan kung
anong oras na. 1:45 na pala ng hapon. Pagbalik
ko, nakangiti pa rin si Sarah. Sabi, Dyulyos
matitikman mo ngayon ang pinakamasarap na
noodles sa buong mundo. Hindi ko na napigilang
tumawa. Saglit akong napatigil, mukhang dumami
ata yung noodles!

Sarah, anong dinagdag mo? Ah, nilagyan ko ng
Quacker Oats, Apple Cinnamon yung flavor may
natira pa pala sa kabinet. Napatigil kami ng
matagal. Para kasing may mali. Tumawa na lang
ako bigla. Tumawa rin si Sarah. Malakas labas
ngalangala pati mga luha. Ewan parang hindi ko
alam kung nakakatawa ba talaga yung nangyari sa
noodles o sadyang masakit isipin na hindi kayang
tiisin yung lasa ng kakainin namin. Matamis na
ewan. Maalat na ewan. Ewan.

Napakamot na lang ako sa ulo. Tumatawa pa rin si
Sarah. Tiningnan ko ulit yung pinaghalong Lucky
Me, itlog tsaka yung Quacker Oats Apple
Cinnamon flavor sa mangkok. Matagal. Hanggang
sa tipong pati yung mga pansit nakikitawa na rin
ata. Napabuntonghininga ako. Malalim.
Nagkatinginan kami ni Sarah, tapos
napabungisngis. Tinitigan namin yung noodles,
tapos naghalakhakan..

HAHAHAHAHAHAHaHaHaHaHahahahahhahahaa.

Mamaya na lang natin kainin. Baka mamaya
masarap na yan. Sige. Baka nga. Lumabas na
kami ng kusina. nagising na lang kami
kinaumagahan, simot na ang mga mangkok sa
kusina. May nagpiyesta na naman.

Pakiramdam ko busog na busog ako ng araw na
yun. Ng hangin? Ewan, hindi ko rin alam.



Mali.
Mali kasi hindi naman yan ang gusto kong ikwento.
Subalit ewan, hindi naman ako sentimental na tao
para lagi't laging mamahagi ng mga hinanakit,
gunamgunam at agam-agam sa bawat sitwasyon.
Tama sigurong sabihin na hindi pa ako handa o di
kaya ayaw ko lang talagang sabihin kung ano man
yaon. O mas tumpak na gaya ng sabi ko nung una
natatakot lang ako.

Sa iilan.
Sa iilan na wala na ring ipinagkaiba sa lahat.
Natatakot ako sa lahat ganoon siguro yun.

Mas masarap.
Mas masarap pa rin talaga sigurong makinig sa
mga kwentong wala lang. Mga nagkataon lang.
Tsamba. Sapagkat marahil sa mga tagpong yun
nagkakaroon ng hugpungan para muling balikan
ang mga pagkakataon para hanapin ang ating mga
sarili sa mga alaala. Ang mga magkakaibang tayo.
Bilang noon, ngayon at ang nagpapatuloy.


Hay. Buntonghininga. Marami na naman akong
maaalala. Maaalala.


*para kay Sarah at Diane hanggang sa dulo.
*para kay Angelika padayon!
*mga dati kong kabahay kuya Rod, ate Cat, kuya
Pao, Stan, Erwill, Mama Jaja miss ko na kau.
*kay Eeson para sa lahat.

No comments: